Umabot na sa isang daang alkalde mula sa iba’t ibang mga bayan at lungsod ng Pilipinas ang lumagda sa Manifesto for Good Governance sa UP Diliman Film Center sa Lungsod Quezon, ika-24 ng Agosto.
Isa sa mga convenors ng “Mayors for Good Governance” o M4GG ay si Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ng Lungsod ng Isabela kasama sina Punong-Lungsod Benjamin ‘Benjie’ Magalong ng Baguio, Punong-Lungsod Ma. Josefina ‘Joy’ Belmonte ng Lungsod Quezon, Punong-Lungsod Marcelino ‘Marcy’ Teodoro ng Lungsod ng Marikina, Punong-Lungsod Felipe ‘Ipe’ Remollo ng Dumaguete at Punong-Bayan Rommel Arnado ng Kauswagan, Lanao del Norte.
Ang “Mayors for Good Governance” ay isang pagkilos ng mga local chief executives na nagkaisa para itaguyod ang mga prinsipyo ng tapat at maayos na pamamahala, upang labanan ang korapsyong laganap sa bansa at upang humikayat ng transparency at pananagutan bilang mga lingkod-bayan.
Mula pa noong 2019 kung kailan unang naluklok si Alkalde Turabin-Hataman, kinikilala at binigyang-diin na nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang “transparent, efficient, effective and participatory governance” na naging pinaka-una at prayoridad nito sa inilatag na 9-Point Agenda ng kanyang administrasyon.
Sa kanyang talumpati bilang bahagi ng M4GG panel discussion, buong galak na ibinahagi ni Alkalde Turabin-Hataman ang mga naging epekto ng iba’t ibang pamamaraan ng tapat na pamamahala sa Lungsod ng Isabela gaya ng pag-surrender ng mga Abu Sayyaf, paglago ng turismo at pagbuti ng kalagayang sosyal at pang-ekonomiko ng lungsod.
Dagdag pa niya, “Siguro ang gusto nating mangyari, ang good governance hindi na lang siya usapin ng DILG, ng government institutions. Gusto sana natin ang good governance will not just be limited to being a measure of leadership but good governance as a demand from the people.”