Grupong Pangresponde sa Sakuna, Inilunsad
Programa Kontra Teenage Pregnancy, Palalakasin Katuwang ang ZFF
August 24, 2023
City Agriculture and Fisheries Council, Naghalal ng mga bagong opisyal
August 24, 2023

Pinangunahan ng Pamalaang Lungsod ng Isabela sa pamumuno ni Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman katuwang ang Tanggapan para sa Pagtugon ng Sakuna (CDRRMO) na pinamumunuan ni tagapangulo Uso Dan Salasim ang paglunsad ng Isabela City Citizen-Responders for Emergency and Safety (CIRENS), Agosto 22, sa Liwasang Isabela.

Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni CDRRMO Salasim kung ano ang CIRENS at ang mga inaasahan sa mga ito bilang tagapagbigay ng mga abiso, impormasyon mula sa pinangyarihan, mga mata at tenga sa mga isyu ng pamamahala sa sakuna, at ang mga tutugon sa mga pangyayari sa komunidad. Samantala, ito ay sinundan ng pamamahagi ng mga sertipiko sa 133 CIRENS bilang pagkilala sa kanilang pagtatapos ng pagsasanay para sa Community First Response.

Samantala, pinasalamatan ni Punong-Lungsod Turabin-Hataman ang mga CIRENS sa kanilang pagtanggap ng responsibilidad bilang mga unang tagatugon sa kanilang barangay. Ipinahayag din niya na nabuo ang proyektong CIRENS sa gitna ng pag-ulan at baha noong mga buwan ng Disyembre hanggang Enero, at naging saksi siya sa kung paano sila kumilos, nagtulungan, at nagligtas sa kanilang mga kabarangay sa panahong iyon.

Nakatanggap naman ang mga barangay ng Aguada, Baluno, Doña Ramona, Isabela Proper, Kumalarang, Lanote, La Piedad, Makiri, MAligue, Menzi, Sumagdang, Sunrise, Tabuk, at Timpul ang mga kagamitang pangsakuna (DRRM equipment) na kinabibilangan ng 5 pirasong life vest, 5 pares na working gloves, 5 pirasong head lights, 2 pirasong life bouy rings, 1 pirasong first aid kit, 1 unit ng megaphone, 5 pirasong hard hat, 5 pirasong rain suits, at 1 nylon rope (50 metro).

Ang nasabing programa ay dinaluhan ng mga tagapangulo ng iba’t ibang kagawaran ng PamahalaangLungsod, Konsehal Khaleedsher Asarul na tagapangulo ng Komite sa Pagtugon sa Sakuna ng Sangguniang Panlungsod, kinatawan mula sa Himpilan ng Bumbero ng Lungsod sa pangunguna ni Shift B Commander SFO1 Gian Carlo Diaz, mga punong barangay at mga kawani mula sa CDRRMO. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)

#HAPIsabela

#AHappyAndDignifiedLifeforAll