Pambansang Kurso at Accreditation para sa mga Referees ng Volleyball, Isinagawa
CHO, Sanitary Inspections, Nagpulong para sa target ZOD
August 17, 2023
Mayor Dadah, Nakiisa sa Pulong-Pagpaplano ng POPS-LADPA TWG ng Lungsod
August 23, 2023

Binisita ni Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, Agosto 22, ang isinasagawang Pambansang Kurso at Accreditation para sa mga Volleyball Referees. Magtatagal mula Agosto 21-26 ang nasabing palihan sa Mataas na Paaralang Pambansa ng Basilan sa pangunguna ng Komite ng Olimpiyada ng Pilipinas (POC), kasama ang Kagawaran ng Edukasyon – Sangay ng mga Paaralang Panlungsod ng Isabela at Pambansang Pederasyon para sa Volleyball ng Pilipinas (PNVF), sa pakikipagtulungan ng Asosasyon ng Volleyball ng Basilan at Pamahalaang Lungsod ng Isabela.

Ang mga national referees na sina Yul Benosa at Nestor Bello ay nagbahagi naman ng kanilang kaalaman upang mapalalim ang pag-unawa sa paggamit ng volleyball pati na rin ang pagsasapanahon ng kasalukuyang mga patakaran sa nabanggit na palakasan para sa mga tagapagturo at mga opisyal na nagpapamahala ng mga torneo sa volleyball.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Punong-Lungsod Turabin-Hataman ang mahalagang papel ng pagdaraos ng naturang aktibidad sa Basilan. Binigyang-diin niya na sa pamamagitan nito, unti-unting nawawala ang mga negatibong pananaw at nagkakaroon ng katiyakan sa isang mas magandang kinabukasan at ang pagkakataon pa para mas mapabuti ang kalagayan ng Isabela.

Kasama sa mga dumalo sina Tagapangulo ng PNVF Dr. Arnel B. Hajan, Hepe ng Kagawaran ng Kurikulum at Pagtuturo Henry Tura, mga Tagapangasiwa ng Programang Pang-edukasyon na sina Dr. Helen De Leon, Fe Carna Jabarani at Dr. Reyna Joyce Bucoy-Barutu.

Dumalo sa aktibidad ang halos 96 na kalahok mula sa Lungsod ng Maynila, Cebu, Bukidnon, Maguindanao, Tawi-Tawi, Lungsod ng Dapitan, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Lungsod ng Zamboanga, Lungsod ng Davao, Lungsod ng Cagayan de Oro, Lalawigan ng Basilan, Lungsod ng Lamitan, at Lungsod ng Isabela. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)

#HAPIsabela

#AHappyAndDignifiedLifeforAll