Sa pagtatapos ng Ika-49 na Pambansang Buwan ng Nutrisyon, ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela, sa pamumuno ni Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, kasama ang Tanggapan ng Pamamahala at Pagpapaunlad ng Populasyon ng Lungsod, ay pinasimunuan ang kauna-unahang Pagkilala sa mga Alagad ng Nutrisyon sa Lungsod at seremonya ng pagatatapos ng Nutrition School on Air (NSOA) na may temang: “Healthy Diet Gawing Affordable FOR ALL na idinaos ika-10 ng Agosto sa himnasyo ng Mataas na Paaralang Pambansa ng Basilan.
Sa kanyang pambungad na pahayag, ibinahagi ni CNAO Jesielyn Puno na bilang isang pangunahing haligi ng malusog at maasiglang lipunan, napakaligaya na makitang maraming dedikadong indibidwal na naglaan ng kanilang misyon na itaguyod ang layunin at ang kanilang bagong kaalaman ay maaaring gamitin upang maging mga tagapagtataguyod ng pagbabago sa komunidad, sa hangarin na itaguyod ang kalusugan at mas mabuting mga ugali sa nutrisyon.
Kinikilala rin ang mga katuwang na nag-ambag sa pagpapanatili ng iba’t ibang programa sa nutrisyon sa Lungsod ng Isabela, gayundin ang mga barangay na naglalaan ng dedikasyon sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Barangay Nutrition Scholars.
Samantala, ipinakilala ni CNAO Puno ang 159 na mga nagtapos sa Batch 2 ng 2023 NSOA mula sa Pamahalaang Lungsod ng Isabela na nakakumpleto ng 12 na sesyon ng 10 Kumain-ments Module mula Hunyo 19 hanggang Hulyo 28. Sinundan naman ito ng distribusyon ng pagkilala at pagbibigay ng sertipiko at pamamahagi ng bigas at mga food packs sa mga nagsipagtapos.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni NSOA Rank 1 Jasmin Bapora mula Barangay San Rafael na hindi lamang simpleng aral kundi mga prinsipyong nagtuturo kung paano masusugpo ang malnutrisyon at mas mapalaganap ang tamang kaalaman. Kaniya ring ipinahayag ang kanyang pangako na magsisilbing tagapagtaguyod ng mga programang pangkalusugan sa komunidad.
Sa mensahe ni Punong-Lungsod Turabin-Hataman, kanyang ipinaabot ang kanyang pagbati sa lahat ng mga nagtapos. Kanyla ring pinapakiusapan ang mga ito na maging mga instrumento ng pagbabahagi ng kanilang mga kaalaman, sapagkat napakahalaga ng nutrisyon bilang pundasyon ng kalusugan.
Inilahad din niya na sa loob ng matagal na panahon, hindi napagtanto ang kahalagahan nito, at ang dahilan kung bakit sumali ang lungsod sa programa ng ZFF ay dahil marami sa mga kabataan ang may kakulangan sa timbang at tangkad. “Sa kasalukuyan, mas binibigyang-pansin natin ang nutrisyon dahil layunin ng pamahalaan na ito ay maging isang tanda ng mabuting pamamahala,” dagdag ng alkalde.
Nakatanggap din ng parangal at cash prize na may kasamang radyo mula sa City Information Office ang mga Top 10 NSOA graduates, 2022 Functional Barangay Nutrition Committee, Natatanging BNS ng 2021 at 2022, ikalawa at ikatlong pwesto sa Natatanging BNS ng 2022, Pinakamagandang Community Garden, at Pinakamagandang Filipiñana/Kultural na Kasuotan.
Sa kanyang valedictory address, ibinahagi ni Outstanding Barangay Nutrition Scholar Suset Garciadas na ang karangalan na kanayang natanggap ay malaking inspirasyon upang patuloy na magtaguyod ng wastong nutrisyon sa komunidad.
Naroon din para saksihan ang nasabing programa ang kinatawan ng Komisyon sa Populasyon at Pag-unlad IX sa katauhan ni Jose Augustus Villiano, Konsehal Alan Ritchie Luis Biel, Tagapamahala ng DXNO Radyo Komunidad na si Engr. Raymond Lintag, si Philma Mohammad ng Zuellig Family (ZFF), ang mga punong-barangay na sina Timhar Igasan (Riverside), Jaher Sahibul (Kapatagan Grande) at Satra Alih (San Rafael), at ang ibang mga kinatawan ng mga barangay sa lungsod. Kasama rin Punongguro Dr. Lyna Basri ng Mataas na Paaralang Pambansa ng Basilan, Assistant Company Commander ng 54th SAC PNP-SAF na si PLT Jake Vincent Viduya, HEPO Bernardita Hontucan, mga kinatawan ng 7th Day Adventist na sina Raul Tagarao at Fernando Abarquez. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha nina KJ Evardo at M. Santos, CIO)