Ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela katuwang ang lokal na tanggapan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ng Pilipinas (DILG-ICFOU) ay nagsagawa ng taunang Pagsasanay sa Pagpapalakas ng mga Kakayahang Institusyonal ng mga Sangguniang Pangbarangay Laban sa Droga (SICAP-BADAC 2.0). Magtatagal mula Agosto 10-11 ang nasabing pagsasanay.
Ang seminar-workshop na ito ay sinalihan ng iba’t ibang stakeholders, mga punong barangay, at mga piling opisyal ng barangay kung saan sila ay nagbahagi at nagpalitan ng mga ideya at tinalakay ang mga kaugnay na problema sa programang ito.
Sa kanyang pambungad na mensahe, malugod na tinanggap ni CGLOO Pilar Gudio ang mga panauhin. Kanya ring binuod lahat ng mga paksang tatalakayin sa buong pagsasanay.
Nagbahagi naman ng makahulugang mensahe si Tagapangasiwa ng Lungsod at tagapamahala ng Tanggapan ng Uganayang Pambarangay (BAGO) Pedrito Eisma: “Kailangan nating gumawa ng dagdag na pagsisikap. Ang ganitong uri ng aktibidad ay naglalayong palakasin ang kapasidad ng mga barangay. Kailangan nating labanan ng magkasama para sa ikauunlad ng ating Lungsod ng Isabela.”
Samantala, iniulat ni PLTCOL Parson Asadil, hepe ng Himpilan ng Pulisya, ang Estado ng Problema sa Droga sa Lungsod ng Isabela. Kanya ring pinapag-ibayo ang kaalaman sa kampanya laban sa mga ipinagbabawal na droga.
Dumalo rin sina Tagapamahala ng CSWDO Nor-Aina Asmara, LGOO Arnel Alvarez, DEPED Nurse Sigrid Tan, at kinatawan ng CHO na si Maria Victoria Lintag, kung saan kanilang tinugunan ang mga hamon ng komunidad, at itinaguyod ang magkakasamang pagkilos upang matigil ang paglaganap ng droga sa lipunan.
Layunin nitong higit na mapalakas ang mga kapasidad ng lokal na pamahalaan, magkakaloob ng suporta sa mga programa at proyekto, at palakasin ang mga kakayahan ng mga Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) upang mabilis at epektibong tugunan ang suliranin ng droga sa bansa.
Sa pagsasanay na ito, kapwa pinagtibay ang pagkakaisa at paglago ng bawat barangay, sumisimbolo ng matatag na samahan para sa isang malusog at ligtas na komunidad. Ito ang buong pusong paninindigan ng mga BADAC sa pagsulong ng isang bansang malaya mula sa panganib ng droga. (Sulat ni K. Lim/Kuha ni A. Sali, CIO).