Higit 200 na mga batang Sama Banguingi ang nakatanggap ng mga gamit pang-eskwela at tsinelas mula sa Sanggunian ng mga Pinuno ng mga Katutubong Pamayanan ng Lungsod sa pakikipag-ugnayan nito sa Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa pamumuno ni Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Day of the World’s Indigenous Peoples.
Ginanap ang pamamahagi ng tulong sa Mababang Paaralan ng Marang-Marang, ika-9 ng Agosto, na pinangungunahan ng Indigenous People Mandatory Representative na si Konsehal Mary May Julhari, kasama ang Pambansang Komisyon sa mga Katutubong Mamamayan (NCIP) sa pangunguna ng direktor ng NCIP Basilan Provincial Office Engr. George Jocutan. Dumalo din ang Island District Supervisor/Division IPED Focal Person Dr. Murada Danial, mga guro at volunteers ng nasabing paaralan at ang kanilang punongguro na si Hadija Hamad. (Ulat at Larawan mula kay BIO Adzhar Tahsin)