34th White CANE Safety Day
Pagpaplano ukol sa Museo ng lungsod, tinalakay
August 4, 2023
Mga bagong Trak ng CGSO, pinasinayaan
August 7, 2023

Ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela ay aktibong nakibahagi sa pagdaraos ng ika-34 na Araw ng Kaligtasan ng Puting Baston, na may temang “Gabay sa MATATAG na Kinabukasan, Inklusibong Edukasyon at Pamayanan,” na ginanap sa Isabela Central Elementary Pilot School (ICEPS) Social Hall. Ang adbokasiyang ito ay may layunin na palaganapin ang kamalayan hinggil sa karapatan at kakayahan ng mga taong may visual impairment, at hikayatin ang paggamit ng puting baston bilang kasangkapan upang maging malaya at maipanatili ang kanilang paggalaw

Sa kanyang mensahe, inihayag ni Punongguro Josiah Tuballa, ang kahalagahan ng pag-unawa at pagtangkilik sa mga indibidwal na may kapansanan at binigyang-diin din niya ang layunin ng adbokasiyang White Cane Safety Day. Sinundan ito ng maikling mensahe mula kay Eugenio Andrion Jr., kinatawan ng tanggapang nakatuon sa Edukasyong Pantay-Pantay (SPED) sa DepEd-Isabela City at Gemma Casas-Paculio ng Tanggapan ng Ugnayan Para sa May Kapansanan, kung saan binigyang-diin niya ang importansya ng pagsasama-sama upang lumikha ng isang inklusibong komunidad kung saan ang mga indibidwal na may kapansanan ay nabibigyan ng tamang suporta at paggalang.

Dagdag pa rito, idinaos din ang information drive na pinangunahan ng mga guro sa SPED upang bigyang-liwanag ang mga kalahok tungkol sa karaniwang mga pangangailangan ng mga batang may edad na nasa paaralan na may visual impairment. Sinundan ito ng mga aktibidad tulag ng “Step into my World, Lights Out, Walk!” at “Mangan Kite si Kalindeman, kung naranasan ng mga kalahok ang mga pagsubok at hamon na kinakaharap ng mga taong may kapansanan.

Naroon sa programa ang mga kinatawan mula sa Himpilan ng Pulis sa Lungsod ng Isabela, sina Doña Ramona Punong-Barangay Lilibeth Fojas at Kagawad Jessica Pineda, mula sa Parokya Katedral ng Sta. Isabel Cathedral sa pangunguna ni Rev. Fr. Pascual Benitez Jr., mula sa Kagawaran ng Edukasyon – Sangay ng mga Paaralang Panlungsod ng Isabela sa pangunguna ni PSDS Rachel Oliveros at EPS Reyna Joyce Barutu. Kasama rin sa okasyon ang mga kinatawan mula sa Tanggapan ng Impormasyong Pampubliko, Tanggapan ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan, at Tanggapan ng Pangkalahatang Serbisyo. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni A. Sali CIO)

#HAPIsabela

#AHappyAndDignifiedLifeforAll