Dumalo si Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, Agosto 2, sa dalawang araw na pilot testing ng Local Amnesty Board (LAB) module na inorganisa ng Pambansang Komisyon sa Amnestiya (NAC) upang palakasin ang LAB sa Basilan at ipamahagi ang module na magtuturo sa mga miyembro ng LAB tungkol sa mga proseso at patakaran ng aplikasyon para sa amnestiya, alinsunod sa Executive Order No. 125
Sa kanyang mensahe, ipinunto ni Punong-Lungsod Turabin-Hataman na hindi tamang patuloy na nakikipag giyera ang bansa laban sa ating sariling mga kababayan. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagbubukas ng pinto ng pamahalaan at aktibong pagtugon sa kapayapaan at pag-unlad, at pagpapatatag sa patuloy nitong pag-usad.
Sa sesyon ukol sa kasaysayan ng iba’t ibang grupo at proseso ng kapayapaan, ibinahagi ni Tagapangasiwa Abdulghani Salapuddin ng SPDA ang isang matagumpay na halimbawa ng rehabilitasyon, na sinundan naman ni Atty. Allan Bryan Caser mula sa OPAPRU upang mas palawakin ang paksa.
Sinundan pa ito ng iba’t ibang mga oryentasyon tungkol sa mga polisiya sa amnestiya, bagong patakaran at regulasyon ng NAC, ang PNP Memorandum Circular Blg. 24-2013, at patakaran ng prosidyur at mga tungkulin ng kapayapaan sa operasyon ng NAC.
Sa pagsasanay na pangkalahatang programa ng nasabing komisyon, naroon din ang mga opisyal at kinatawan ng NAC na sina Tagapangulo Atty. Leah Tanodra-Armamento, Komisyoner Atty. Nasser Marohomsalic, Komisyoner Atty. Jamar Kulayan, PNP Provincial Director PLTCOL Carlos Madronio, miyembro ng Local Amnesty Board na si Ustadz Abunnapis Abdulmajid, Bb. Rabia Salapuddin, Bai Jessamine Ilimin, kinatawan ng Kagawaran ng Katarungan na si Atty. Don Ric Ventura, mga abogado mula NAC na sina Ma. Victoria Cardona, Marylin Pintor, Homero Matthew Rusiana, at mga kinatawan ng NAC na sina Virginia Liquigan at Ma. Camille Sta. Maria. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)