Magkatuwang na ininspeksyon, Hulyo 17, nina Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman at Kinatawan Mujiv Hataman ang tinatayong Pasangan Commercial Complex (PCC) na dating kilala bilang “Maranao Building” na isa sa mga gusaling matatagpuan sa Isabela City Public Market, Barangay Marketsite.
Ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela, sa pamamagitan ng pondo mula sa Tanggapan ni Kinatawan Hataman at Senador Joel Villanueva, ay namumuhunan sa rehabilitasyon at pagpapabuti ng iba’t ibang mga gusali ng pampublikong pamilihan nito upang madagdagan ang mga lokal na aktibidad sa ekonomiya at upang makatulong sa paglikha ng trabaho at pagpapalaki ng kita ng lungsod. Ang nasabing proyektong pang-imprastraktura, kapag ganap nang natapos ay magkakaroon ng 361 stalls na paupahan para sa mga mangangalakal na Isabeleño.
Kasama nila sa ginawang pagbisita sina Konsehal Yusop Abubakar, Konsehal Jeromy Casas, IPMR at Konsehal Mary May Julhari, Konsehal Abner Rodriguez at Konsehal Karel Annjaiza Sakkalahul. Naroon din ang ilang mga Punong-Barangay at sina CGSO Eugene Strong at Hepe ng LEDIPO Jaime Juanito Rivera. (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni M. Santos, CIO)