Sa mismong araw ng Ika-173 Kapistahang Patronal ng Parokya Katedral ng Sta. Isabel de Portugal, Hulyo 08, nakiisa at nakisaya si Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman sa “Juego de Antes: Parlor Games” sa Plaza Isabela.
Sinimulan ni Punong-Lungsod Turabin-Hataman ang kasiyahan sa pgalalaro ng Hampas Palayok na kinagiliwan ng mga batang kalahok. Sinubukan din ng alkalde ang nauusong lato-lato. Napuno ng hiyawan at halakhakan ang liwasan sa araw ng kapistahan dala ng palatuntunang handog ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa pamamagitan ng Tanggapan ng Turismong Panlungsod sa pangunguna ni CTO Claudio Ramos II sa pakikipagtulungan sa Parish Pastoral ng Council ng Prelatura ng Isabela de Basilan.
Nakipagdaupang-palad naman si Punong-Lungsod Turabin-Hataman kina Rev. Msgr. Jose Roel Casas na tagapamahala ng parokya at sina Rev. Fr. Pascual Benitez at Rev. Fr. Joselito Delos Reyes, at ilang kinatawan ng mga samahang layko ng Simbahang Katolika sa lungsod. Sinamahan ng alkalde nina Konesehal Karel Annjaiza Sakkalahul, CTO Ramos II, at Hepe ng LEDIPO Jaime Juanito Rivera.
Ang “Fiesta Alegria na Ciudad de Isabela” ay pasimuno ng administrasyong Turabin-Hataman bilang pagkilala sa kontribusyon ng Kapistahang Patronal ni Sta. Isabel de Portugal sa pagkakakilanlang kultural ng Lungsod ng Isabela. (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni A. Sali, CIO)
Pista Na, Tayo ay Magsaya!