Mayor Dadah is Speaker on Learning Forum on Nutrition Governance
July 6, 2023Isabela City’s Best Dance Crews Battle it out in Fiesta Alegria Hip-Hop Tilt
July 7, 2023
Sa kauna-unahang pagkakataon, itinanghal ang “Fiesta Bandoreal: Drum and Bugle Competition”, Hulyo 06, bilang bahagi ng Fiesta Alegria na Ciudad de Isabela 2023 at ng Ika-173 Kapistahang Patronal ng Parokya Katedral ng Sta. Isabel de Portugal. Ang nasabing patimpalak ay bunga ng pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa pamamagitan ng Tanggapan ng Turismong Panlungsod, Sangay ng mga Paaralang Panlungsod ng Isabela sa pangunguna ni Dr. Julieto Fernandez at ng United Evangelical Church of Isabela sa pasimuno ni Dr. Philip Tan.
Tampok sa Kategoryang Pansekondarya ang mga banda mula Baluno National High School, Basilan National High School, Begang National High School, at Malamawi National High School. Nakopo ng pangkat mula Basilan National High School ang unang pwesto at nag-uwi ng P20,000 bilang premyo.
Samantala, sa Kategoryang Pang-elementarya, lumahok ang mga banda mula Calvario Elementary School, Busay Elementary School, Cabunbata Elementary School, Geras Integrated School, at Latuan Elementary School. Inuwi ng Calvario Elementary School ang P20,000 bilang kampeon ng kategoryang ito.
Dahil na rin sa suporta ni Dr. Tan ng UECI ay nadagdagan ang papremyo ng nasabing patimpalak kaya nabigyan ng tig-limang libong piso ang mga bandang sumali at nagtanghal ngunit hindi sumali sa patimpalak. Nagsilbi namang hurado ang mga kapita-pitagang sina Richard Falcatan, Sigfred Infante, Mark Anthony Basilio, Carlo Edong, Elmer Mon at si Fr. Euclid Balosbalos.
Ang paligsahan ng mga bandang pangmartsa o bandoreal ay naisakatuparan dahil na rin sa pasimuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman na naging majorette at lider din ng banda noong siya ay isang mag-aaral ng hayskul sa Claret College of Isabela.
Ang “Fiesta Alegria na Ciudad de Isabela” ay paraan ng Pamahalaang Lungsod ng pagkilala nito sa papel ng kapistahan ni Sta. Isabel de Portugal sa pagbuo ng pagkakakilanlang kultural ng Lungsod ng Isabela. (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni M. Santos, CIO)
Pista Na, Tayo ay Magsaya!
Related