Ginanap ngayong Hunyo 30 ang ika-20 at huling sesyon ng Sakayan-Kaalaman Fridays with the HAPIsabela Mobile Library sa Busay Elementary School.
Katuwang ng Tanggapan ng Impormasyong Panlungsod (CIO) at Lokal na Tanggapan para sa Kalinangang Pangkabataan (LYDO) ang mga opisyal ng Kawanihan ng Proteksyon sa Sunog – Himpilan ng Bumbero sa Lungsod ng Isabela (BFP – Isabela City Fire Station). Naghandog sila ng pagkain para sa mga batang kasali sa programa, at nagbahagi ng kaalaman tungkol sa pag-iwas sa sunog.
Sa ngalan ni Isabela City Fire Marshall SINSP Wilhelm Anthony Albrecht, ang pangkat mula sa BFP-Isabela City Fire Station ay pinangunahan ni SFO1 Giancarlo Diaz at iba pang opisyal ng nasabing himpilan.
Ang United Evangelical Church of Isabela naman ang nagsilbing isponsor sa hapon. Pinangunahan ni Pastor Ronald Paulino ang kanilang grupo na naghandog ng isang madamdaming kwento sa mga bata.
Ginabayan naman ang mga bata ng mga volunteer reading partners mula sa Youth Space Mentoring Program ng LYDO at ilang miyembro ng Isabela City Barangay Information Officers Network. Sa buong araw na aktibidad ay naroon si Punongguro Maricel Dagoy at ang kaniyang kaguruan upang matiyak ang matiwasay na daloy ng nasabing programa.
Ang Sakayan-Kaalaman Fridays with the HAPIsabela Mobile Library ay isang proyekto ng Library and Information for Barangay Readers Outreach ng CIO na tugon naman sa panawagan ni Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman na ibaba ang bahagdan ng mga non- at struggling readers sa mga kabataang Isabeleñong nasa antas na K-3. Busay Elementary School naman ang pilot site ng naturang programa.
Magkakaroon ng pagtatapos ang mga bata sa darating na Hulyo 07 bilang pagkilala sa tagumpay ng programa na maabot ang 100% na kabawasan sa mga struggling/frustration level na mga mag-aaral na kalahok sa proyektong ito. (Sulat at Kuha ni A. Sali, CIO)