Pinangunahan ni Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, Hunyo 20, ang pagsisimula ng 120-Day Supplemental Feeding Program sa Barangay Diki na may temang: “Nutrisyong Sapat, Para sa Lahat!”
Pangangasiwaanan ang nasabing programa ng Panlungsod na Ugnayang Pangnutrisyon (CNA) na pinamumunuan ni Jesielyn Puno, ang Tagapangulo ng Tanggapang Panlungsod para sa Pamamahalang Pampopulasyon at Pangkaunlaran (CPMDO). Kasali naman dito ang mga batang nasa 6-59 buwang gulang sa Barangay Diki sa pamumuno ni Punong-Barangay Sitti Khadija Amil.
Sa kaniyang maiksing mensahe ay pinasalamatan ni Punong-Lungsod Turabin-Hataman ang mga kawani ng CPMDO-CNA dahil sa mga inisyatiba nito upang lalong mapapababa ang bahagdan ng mga batang kulang sa timbang at sustansya sa Lungsod ng Isabela. Idiniin din ng alkalde na patuloy ang suporta ng Pamahalaang Lungsod para sa mga kahalintulad na mga hakbangin.
Matatandaan na kinilala ng Pambansang Sanggunian para sa Nutrisyon (NNC) noong 2022 ang Lungsod ng Isabela bilang ang pamahalaang lokal na may pinakamalaking badyet para sa mga programang pangnutrisyon sa buong Rehiyon IX. (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni KJ Evardo, CIO)