Ginanap ngayong Hunyo 16 ang ika-16 sesyon ng Sakayan-Kaalaman Fridays with the HAPIsabela Mobile Library sa Busay Elementary School kasabay ng Pangatlong Pagtatasa ng mga mag-aaral na kasama sa nasabing proyekto.
Katuwang ng Tanggapan ng Impormasyong Panlungsod (CIO) at Lokal na Tanggapan para sa Kalinangang Pangkabataan (LYDO) si Acting City Budget Officer Haiat Aira Taguranao na naghandog ng pagkain para sa mga bata.
Bilang bahagi ng mga aktibidad upang lalong mahikayat ang mga bata sa pagbabasa, nagsagawa ang mga volunteer reading partners mula sa Youth Space Mentoring Program ng LYDO ng pagsasadula-pagbasa kung saan isinadula ng mga mag-aaral ang isang kwento habang ang isa sa kanila ang nagsisilbing tagapagsalaysay nito.
Sa buong araw na aktibidad ay naroon si Punongguro Maricel Dagoy at ang kaniyang kaguruan upang matiyak ang matiwasay na daloy ng nasabing programa.
Ang Sakayan-Kaalaman Fridays with the HAPIsabela Mobile Library ay isang proyekto ng Library and Information for Barangay Readers Outreach ng CIO na tugon naman sa panawagan ni Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman na ibaba ang bahagdan ng mga non- at struggling readers sa mga kabataang Isabeleñong nasa antas na K-3. Busay Elementary School naman ang pilot site ng naturang programa. (Sulat at Kuha ni A. Sali, CIO)