Pinangunahan nina Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman at Bise-Alkalde Jhul Kifli Salliman ang pagdiriwang ng Pamahaalang Lungsod ng Isabela sa Ika-125 Taon ng Kalayaan at Pagkabansang Pilipino, Hunyo 12, sa Liwasang Rizal.
Maliban kay Bokal Amin Hataman ng Unang Distrito ng Basilan, mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod na sina Konsehal Bimbo Epping, Konsehal Mary May Julhari, Konsehal Abner Rodriguez at Konsehal Karel Anjaiza Sakkalahul, mga Punong-Barangay, mga tagapangulo, kawaksing tagapangulo at kawani ng iba’t ibang mga kagawaran ng Pamahalaang Lokal, dumalo din sa nasabing palatuntunan ang ilang kinatawan ng mga ahensyang pambansa at mga miyembro ng mga organisasyong pangsibiko na naka-himpil sa Lungsod ng Isabela.
Gaya ng mga nakaraang taon, buong pwersa ring nakiisa ang mga elemento ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, Pambansang Kapulisan sa pangunguna ni PLTCOL Junpikar Sitin, Tanod Baybayin ng Pilipinas, at Kawanihan ng Pagtatanggol sa Sunog.
Sa kaniyang talumpati, hinimok ni Punong-Lungsod Turabin-Hataman ang lahat ng nagtipon na gamitin ang tinatamasang kasarinlan ng bansa upang gumawa ng mga hakbangin para makalaya sa dagok ng kahirapan ang mga kababayan at pamayanang maralita sa lungsod. Aniya, ang Araw ng Kalayaan at Pagkabansang Pilipino ay panahon upang pagnilayan ang mga aral ng nakalipas upang maging gabay sa pagsuong ng mga pagsubok sa kasalukuyan at sa hinaharap. Pinaalalahan din ng alkalde na ang kalayaan ay hindi isang patutunguhan kung hindi ay isang paglalakbay na nangangailangan ng pagkakaisa, pagsusumikap at pagsasakripisyo ng lahat.
Ngayong taon, tangan ng pagdiriwang ang temang: “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.” (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni M. Santos, CIO)