Pagpapalawak ng Kapasidad ng Basilan General Hospital
LGU-Isabela City Welcomes Smart-PLDT Executives
June 8, 2023
Isabela City Tripartite Peace Council Meeting
June 8, 2023
Nakiisa si Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman sa pormal na pagkakaloob ng lisensya ng Kagawaran ng Kalusagan (DOH) sa Ospital Heneral ng Basilan (BGH) upang mapalawak ng huli ang kapasidad nito hanggang sa 100 kama.
Sa isang simpleng palatuntunan na ginanap Hunyo 07 sa bagong gusali nito ay tinanggap ni Dr. Sitti Nurussamsi Amilasan, tagapamuno ng BGH, ang nasabing lisensya mula kay Dr. Joshua Brillantes, Nanunungkulang Direktor Panrehiyon ng DOH-CHD IX. Nagsilbing panauhing pandangal naman si Dr. Abdula Dumama Jr., Pangalawang Kalihim para sa Pamamahalang Field Implementation (DOH-FICT) Mindanao Cluster ng DOH.
Matatandaan na ang nasabing proyekto ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagsusog sa Kamara ni Kinatawan Mujiv Hataman ng Natatanging Distrito ng Basilan. Ani ni Kinatawan Hataman, matagal nang naaprubahan ng pamahalaan ang planong itaas ang kapasidad ng BGH at sa wakas nga ay napagkalooban na ng lisensya at pondo upang ito ay maisakatuparan. Tiwala si Kinatawan Hataman na lalong mapapalawak ang serbisyo ng BGH sa mga Basileño na nangagailangan ng kalingang medikal. Samantala, naihain na rin sa Kongreso ang panukalang gawing isang sentrong medikal o tertiary hospital ang BGH.
Nagpaabot naman si Punong-Lungsod Turabin-Hataman ng kaniyang kagalakan dahil aniya ay higit na makikinabang ang mga mahihirap na Isabeleño sa anumang pagpapaunlad ng pasilidad ng BGH.
Ilan pa sa mga nakiisa sa nasabing programa sina Dr. Samantha Nolasco mula sa tanggapan ng DOH-FICT Mindanao Cluster, Kawaksing Direktor Panrehiyon ng DOH-CHD IX Dr. Lenny Joy Rivera, Bokal ng Unang Distrito ng Basilan Amin Hataman at si Konsehal Candu Muarip na unang nagpanukala ng pagpapataas ng kapasidad ng Basilan General Hospital noong siya ay nagsilbing kongresista. (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni M. Santos, CIO)