Humigit-kumulang na 200 magsasaka ang lumahok sa kauna-unahang Isabela de Basilan Agriculture Summit na idinaos ng Pamahalaang-Lungsod ng Isabela sa ilalim ng administrasyon ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman na may temang “Agrikultura: Pagkain at Ekonomiya,” Mayo 29 sa Kasinnahan Hotel and Resort.
Sa kaniyang pambungad na mensahe, kinilala ni Bise Alkalde Jhul Kifli Salliman ang mahalagang aral na natutunan sa panahon ng pandemya at ipinahayag ang determinasyon na palakasin ang mga pagsisikap upang matiyak ang isang matatag at napapanatiling suplay ng pagkain para sa mga mamamayan ng Lungsod ng Isabela.
Ipinahayag naman ni Punong-Lungsod Turabin-Hataman sa kaniyang talumpati ang kahalagahan ng nasabing patitipon at binigyang diin ang kahalagahan ng agrikultura. Dagdag pa niya ang malawak na lupain ng Lungsod ng Isabela, ngunit itinuro na ang malaking bahagi ng mga produktong pang-agrikultura na kinukonsumo sa lungsod ay inaangkat pa mula sa ibang lugar. Pinapatunayan ng sitwasyong ito ang pangangailangang tumuon sa pagkamit ng seguridad sa pagkain at pagbabawas ng pag-asa sa mga panlabas na tagapagtustos.
Bilang suporta sa mga hakbangin sa pagpapaunlad ng agrikultura sa Lalawigan ng Basilan, winika ni Punong-Lalawigan Hajiman Salliman ang mahalagang papel ng agrikultura sa ekonomiya ng Basilan at inihayag ang suporta upang pahusayin pa ang mga inisyatiba ng agrikultura sa lalawigan.
Bilang kinatawan ng Kagawaran ng Agrikultura IX (DA RFO IX) sa pamumuno ni Direktor Tagapagpaganap Panrehiyon Dennis Arpia, ipinaabot ni Direktor Teknikal Panrehiyon Maria Melba Wee ang suporta ng buong DA RFO IX at muling pinagtibay ang kanilang dedikasyon sa pagtulong sa mga gawaing pang-agrikultura sa Lungsod ng Isabela at sa buong Lalawigan ng Basilan.
Dagdag pa rito, inahayag naman ni Dr. Gerry Pagarigan, ang Nanunungkulang Direktor ng Surian ng Pansanayang Pang-agrikultural-Sentro ng Pansanayang Pangrehiyon (ATI-RTC DA IX) ang kahalagahan ng agrikultura sa rehiyon at inulit ang kanilang pangako sa pagbibigay ng pagsasanay at edukasyon bilang suporta sa pagpapaunlad ng agrikultura.
Samantala, ipinahayag ni Basilan Lone District Representative at Deputy Minority Leader Mujiv Hataman na kinatawanan ni District 1 Board Member Amin Hataman ang kanyang mga ipapatupad na proyekto para sa pagpapaunlad ng Basilan, partikular sa pagtugon sa mga pangangailangan sa imprastraktura ng sektor ng agrikultura at pagsasaalang-alang sa mga aspetong pang-ekonomiya na may kaugnayan sa kalakalan at pagbebenta ng mga kalakal sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng isang video message, sinabi ni Kalihim Maria Belen Acosta, tagapangulo ng Pangasiwaang Pangkaunlaran ng Mindanao (MinDA), ang mga hakbang ng kaniyang ahensya sa pagtataguyod ng pagtutulungan at pagpapadali sa aktibong partisipasyon ng lahat ng sektor upang palaguin ang ekonomiya ng Mindanao, kasali na ang Lungsod ng Isabela.
Sa kanyang pangwakas na pananalita, si Konsehal Candu Muarip, tagapangulo ng komite sa agrikultura ng Sangguniang Panlungsod ay nagbigay ng makabuluhang pananaw sa mga istratehiya at pamamaraang kailangan para isulong ang sektor ng agrikultura sa Basilan. Kasunod ng kanyang pahayag, nagbigay ng pre-work statement si CPDC Engr. Gay Palagtiosa, na nagtatakda ng yugto para sa mga paparating na aktibidad at binalangkas ang mga dapat gawin.
Magpapatuloy ang Isabela de Basilan Agriculture Summit hanggang sa ika-30 ng Mayo na may iba’t ibang breakout sessions na maaaring pagpilian ng mga kalahok. Layunin ng summit ang buhayin muli ang sektor-agrikultura bilang mahalagang bahagi ng lokal na ekonomiya ng Lungsod ng Isabela at ng pangkalahatang Basilan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mahigit-kumulang na 200 na magsasaka at mga stakeholders na ibahagi ang kanilang mga kaalaman at kasanayan, maging ang kanilang mga opinyon sa mga usapin at polisiya sa larangan ng agrikultura. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)