Ginanap ngayong Mayo 26 ang ikasampung linggo ng Sakayan-Kaalaman Fridays with the HAPIsabela Mobile Library sa Busay Elementary School (BES). Kasabay rin nito ang Pangalawang Pagtatasa ng mga mag-aaral na kasama sa nasabing programa.
Binisita naman ni Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ang nasabing paaralan upang alamin ang naging mga pagbabago sa antas ng pagbabasa ng mga kalahok ng proyektong ito. Bunsod ito ng katatapos lamang na pagpupulong ng Local School Board kung saan diniin ang mga hakbang na kailangang ipatupad upang tulungan ang mga batang Isabeleño na hirap magbasa.
Katuwang ng Tanggapan ng Impormasyong Panlungsod (CIO) sa pamumuno ni CIO Mendry-Ann Lim at Lokal na Tanggapan para sa Kalinangang Pangkabataan (LYDO) sa pangunguna naman ni LYDO Levinia Jarejolne ang bumubuo sa Basilan State College – College of Education Executive Council sa pamamatnugot ni dekano na si Dr. Eva M. Machutes. Naghandog sila ng pagkain para sa mga batang kasali sa programa. Ginabayan naman ang mga batang ito ng mga volunteer reading partners mula sa Youth Space Mentoring Program ng LYDO.
Sa buong-araw na aktibidad ay inalalayan ang grupo ni Punongguro Maricel Dagoy, School Reading Coordinator Girlie Espinosa at iba pang mga guro ng BES.
Ang Sakayan-Kaalaman Fridays with the HAPIsabela Mobile Library ay isang proyekto ng Library and Information for Barangay Readers Outreach ng CIO na tugon naman sa panawagan ni Punong-Lungsod Turabin-Hataman na ibaba ang bahagdan ng mga non- at struggling readers sa mga kabataang Isabeleñong nasa antas na K-3. Busay Elementary School naman ang pilot site ng naturang programa. (Ulat ni A. Sali/Kuha nina KJ Evardo at M. Santos, CIO)