COA Exit Conference, Matagumpay na Ginanap
April 26, 2023SAKAYAN Parade of Lights
April 26, 2023
Sa kauna-unahang pagkakataon, isinagawa ang parada para sa Ika-22 Araw ng Lungsod ng Isabela sa dapit-hapon, Abril 25, na hudyat din ng simula ng taunang Sakayan Festival.
Pinangunahan ni Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman at Bise-Alkalde Jhul Kifli Salliman ang paradang tinaguriang “Sakayan Parade of Lights.” Sinamahan sila ni Basilan Lone District Representative at Deputy Minority Leader Mujiv Hataman, mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod ng Isabela, at mga tagapangulo at kawani ng iba’t ibang kagawaran ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Isabela.
Mas pinasaya ang nasabing parada ng iba’t ibang mga kalahok at kinatawan mula sa mga pwersang pangseguridad na nakahimpil sa lungsod, mga pambansang ahensya ng pamahalaan, mga paaralan, at mga organisasyong pangsibika. Hindi rin nagpahuli ang 45 mga barangay ng lungsod. Ang ilan sa kanila ay nagdala pa ng mga pailaw at palamuti na nagbalik-kulay at saya sa espesyal na selebrasyong ito makalipas ang halos tatlong taon ng pandemya. Nagtapos ang parada sa may Plaza Rizal kung saan idinaos ang pambungad na palatuntunan ng Sakayan Festival.
Ngayong taon, tangan ng Sakayan Festival ang temang “Mga Kulay na Samo’t Sari, Iisang Bahaghari” (Many Colors, One Rainbow) bilang pagkilala sa makulay na kultura, kasaysayan at pagkakakilanlan na nagbibigkis sa lahat ng Isabeleño tungo sa isang buhay na marangal at maligaya para sa lahat. (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni M. Santos, CIO)
Related