Bilang bahagi ng pagpapaigting ng dekalidad na serbisyo publiko ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela, matagumpay na isinagawa ang Exit Conference ng Commission on Audit (COA) para sa Audit Calendar Year 2022 sa pangunguna ni COA State Auditor Ms. Nona Imlan at COA Audit Team Leader Atty. Charlotte Tugal kasama sina Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman at City Legal Officer at concurrent City Administrator Atty. Adzlan Imran.
Ginanap ang COA Exit Conference sa Garden Orchid Hotel, Abril 24, kung saan ay isa-isang tinalakay ang iba’t ibang mga audit recommendations alinsunod sa auditing scope na naitakda ng ahensya.
Pinuri naman ni State Auditor Tugal si Punong-Lungsod Turabin-Hataman sa pamamalakad nito sa Lungsod ng Isabela partikular ang mga parangal na natanggap ng LGU sa unang termino nito. Pinasalamatan naman ng huli ang laging-bukas na tanggapan ng COA para isangguni ang anumang pangangailangang teknikal patungkol sa mga usaping pinansyal ng lokal na pamahaalan. Ayon naman kay City Administrator Atty. Imran, sa taong ito, bukod sa mabilis na implementasyon ng mga proyekto, ay bibigyang-diin at pagtutuunan din ng pansin ng LGU ang mas mabilis na housekeeping ng mga pinansyal na transaksyon nito.
Kasama rin sa nasabing pagpupulong sina Audit Team Members Quazhar-Azeez Pandi, Engr. Adrian Timbang, at Maria Jinky S. Guerrero. Kabilang naman sa mga dumalo mula sa LGU sina OIC City Budget Officer Haiat Aira Taguranao, City Accountant Abdel-Aziz Edris, OIC City Treasurer Mary Jane F. Abenojar, BAC Head Robert Arseña, GAD Focal Person Mendry-Ann Lim at mga piling pinuno ng iba’t ibang kagawaran ng lokal na pamahalaan.