Isabela City Nagningning sa Pagsimula ng Ramadhan
Isabela City Naghahanda para sa El Niño
March 23, 2023
LGU-Isabela City Donates Hygiene Packs for Female PDLs
March 24, 2023

Pinangunahan ni Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ang pagpapailaw ng mga palamuti sa mga pampublikong liwasan at pook sa Lungsod ng Isabela, Marso 22 ng gabi, sa Bahay Pamahalaan ng Isabela, bilang hudyat ng simula ng Ramadhan –ang tinaguriang pinakabanal na buwan sa kalendaryong Islamiko.

“Ang isang komunidad na may pananampalataya at takot sa Diyos ay isang komunidad na tiyak na magtatarabaho para sa kaunlaran at kapayapaan,” wika ni Alkalde Turabin-Hataman sa kaniyang pambungad na mensahe. Dagdag pa niya, ang pagpapailaw at pagpapalamuti ng mga lugar sa lungsod ay bilang pasasalamat sa isa nanamang taon ng Ramadhan, pakikiisa sa mga lahat ng Muslim na Isabeleño, at higit sa lahat, pagpapakita na ang Lungsod ng Isabela ay isang lungsod na bukas sa lahat ng pananampalataya.

Sa kaniya namang talumpati, hinirang ni Dr. Alzad Sattar, propesor sa UP Institute of Islamic Studies at dating Miyembro ng Parlyamento ng BARMM, ang okasyon bilang pagpapahalaga ng kontribusyon ng Islam sa lipunan at pinasalamatan ang Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Isabela sa pagsisimula ng tradisyong ito. Nagkaroon naman ng pagbasa ng Qur-an na ginawa ni Argimar Patla mula sa Mahad Al-Mubarakat Al-Islamie.

Sinaksihan din ang nasabing palatuntunan ng ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod, mga punong barangay ng lungsod, mga tagapangulo ng mga kagawaran at empleyado ng pamahalaang lokal, at iba pang mga panauhin.

Maliban sa Bahay Pamahalaan ng Isabela, makikita rin ang mga palamuti at pailaw na ito sa Plaza Isabela, Plaza Rizal, Aguada Bridge, at JW Strong Boulevard. Ito ay taunang handog ng Tanggapan ng Turismong Panlungsod sa pamumuno ni CTO Claudio Ramos II at Tanggapan ng Pangkalahatang Serbisyong Panglungsod sa pamumuno ni CGSO Eugene Strong.

Tuwing Buwan ng Ramadhan ginagawa ang pag-aayuno ng mga Muslim na isa sa limang haligi ng Islam at isang magandang pagkakataon para dalisayin ang kanilang isip, katawan, puso at kaluluwa sa pamamagitan ng pagdarasal sa Makapangyarihang Allah (SWT). Ang Ramadhan ay hindi limitado sa pag-aayuno lamang kung hindi para rin sa lahat ng Muslim na italaga ang kanilang sarili sa pagsasakripisyo sa sarili tulad ng pag-iwas sa inumin o pagkain at iba pang pisikal na pangangailangan, paghingi ng kapatawaran sa kanilang mga maling gawain at pag-uukol ng kanilang sarili sa Allah (SWT). (Sulat ni M. Guerrero/Kuha nina KJ. Evardo at D. Jalani, CIO)

#ramadhan2023

#HAPIsabela

#AHappyAndDignifiedLifeforAll