Sa ikalawang taon, kinilala ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Isabela ang siyam na natatanging kababaihan bilang mga pinakabagong Nine Independent and Dynamic Advocates of Women Empowerment o NIDA Awardees para sa taong 2023.
Ginawa ang parangal sa panggabing palatuntunan ng Basilan Women Executives and Legislators Convention, Marso 14, sa Kasinnahan Hotel and Resort. Ang paggawad ng NIDA Awards ang siya ring pinakatampok na bahagi ng nasabing pagtitipon.
Upang mapangaralan, kailangang nagpamalas ng angking galing at kalinga ang isang nominado sa kaniyang mga nagawang inisyatibo o proyekto na dapat naman ay nakaangkla sa 9 na Priyoridad na Agenda ng kasalukuyang administrasyon.
Sa pangunguna nina Kalihim Maria Belen Acosta ng Pangasiwaang Pangkaunlaran ng Mindanao o MinDA at Punong-Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, ginawaran ng pagkilala sina:
Shiela Pagarigan para sa Tapat, Demokratiko, Mabisa at Mahusay na Pamumuno, CG CPO Nur-Ina Basirul para sa Ligtas, Matiwasay at Matatag na Pamayanan, Margarita Auxtero para sa Malinis na Kapaligiran at Pagiging Maka-kalikasan, at Marlyn Anoos para sa Maunlad na Ekonomiya. Kasali rin sa tala ng mga NIDA Awardees sina IPMR Mary Mae Julhari para sa Pagmamalaki sa Pagkakakilanlang Kultural, Hazel Tan para sa Patuluyang Turismo, JO2 Meghann Gomez para sa Pangangalaga sa mga Nasa Laylayan ng Lipunan, Barbette Jane Tabenas-Baclay para sa Kalusugan, Edukasyon at Kagalingang Panlipunan, at Mary Joy Luzon para sa Sinerhiya.
Nakatanggap ang bawat isa sa kanila ng isang plake ng pagkilala at sampung libong piso mula sa Pamahalaang Lokal. Saad naman ni Punong-Lungsod Turabin-Hataman sa kaniyang maikling talumpati, ang NIDA Awards ay isang paraan upang makilala ng buong lungsod ang mga magigiting at mapagbigay-loob na mga kababaihan na buong husay na naglilingkod para sa pangkalahatang kabutihan ng mga Isabeleño tungo sa isang marangal, maligaya, at mariwasang buhay para sa lahat.
Napili ang mga nasabing kababaihan batay sa nominasyon na ginawa ng kanilang ahensya o komunidad at sinuri ang mga nakalakip na mga patunay ng kani-kanilang mga gawa at ambag ng isang komiteng binubuo ng tagapangulo ng komite sa kababaihan, kabataan, at ugnayang pampamilya ng Sangguniang Panlungsod na pinamumunuan ni Konsehal Karel Annjaiza Sakkalahul, mga kinatawan mula sa Tanggapan ng Punong-Lungsod, GAD, at civil society groups. Kasali rin ang isang kinatawan mula sa pamilya ng yumaong Konsehal Nida Dans.
Nagpatuloy ang kasiyahan sa pagpapasinaya ng Sakayan Magazine ng Tanggapan ng Turismong Panglunngsod sa pamumuno ni Tagapamuno Claudio Ramos II, na sinabayan din ng mga sayaw at kanta bilang pagsaulog sa nalalapit na Sakayan Festival. Naghandog naman ng mga awitin ang mang-aawit na Malay na si Min Yasmin na ikinagalak ng madla. Binigyan din ng espesyal na premyo ang dalawang Best Dressed na kalahok.
Bilang pagtatapos, pinasalamatan ni Konsehal Annjaiza Sakkalahul ang lahat na nag-hago para sa matagumpay na pagdaos ng BWEL 2023, at tiniyak na magpapatuloy ang mga programang nakatuon upang suportahan ang kapakanan at kagalingan ng mga kababaihan sa lungsod. (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni M. Santos, CIO)