#HapIsabela Eid Sorpresa 2020 Idinaos!
KAUM PURNAH ZONE 2 TINUPOK NG APOY
June 9, 2020
Isabela City Foot Pedaled Handwashing stations inilunsad
June 10, 2020

June 5, 2020-ISABELA CITY, BASILAN| Masayang ipinagdiwang ng mga kapatid nating Muslim ang selebrasyon ng Eid’l Fitri sa kabila ng banta na dulot ng sakit na COVID19.

Kaya upang ipadama ang diwa ng celebrayon sa kabila ng pangambang dulot nito, naghandog ng isang programa ang lokal na pamahalaan ng Isabela de Basilan na pinamagatang “Eid Sorpresa” 2020. Ito ay bahagi ng Eid Kasalamatan na isang programa ng lokal na pamahalaan na may layuning magbigay saya sa mga Isabelenos nitong buwan ng pag-aayuno o Ramadhan.

Sa pamamaraang ito, naipamahagi sa mga kapatid nating muslim ang saya sa espesyal na araw ng Eid’l Fitri sa kani-kanilang mga tahanan.

Dinaan sa pa contest ng lokal na pamahalaan ang pagsali sa naturang programa. Sa pagsali, kinakailang manatili sa loob ng bahay at magpaskil ng anumang palatandaan ng pagdiriwang ng eid. Kinailangan ding tumutok sa fb live Eid sorpresa watch party ng city government of isabela de basilan fb page at magpakita ng hinihinging eid item at sumagot sa ilang nakahandang mga katanungan. At sa unang pagkakataon, sa mismong araw ng Eid’l Fitri, bumisita ang lokal na pamahalaan sa ilang mga barangay sa lungsod.

Kumatok sa mga tahanan ang mga kawani ng lokal na pamahalaan at taos puso rin namang tinanggap ng mga napiling kabahayan ang sorpresang hatid ng mga ito.Higit kumulang 250 mga kabahayan ang nahatiran ng sorpresa. Ilan sa mga ipinamahagi sa napiling mga pamilya ang tulong pinansyal, mga handang pang salu-salo at samutsaring mga regalo. Bagamat hindi ito ang nakasanayang celebrasyon ng karamihan, batid parin ang saya sa pagdiriwang ng Eid sa taong ito. Labis din ang galak at pasasalamat ng ilang mga nasorpresa sa natanggap na ayuda. Malaking tulong umano ito sa kanila lalo pa’t ramdam na ng karamihan ngayon ang hirap dahil sa ipinapatupad na community quarantine.

Ito ang unang beses na nahandugan ng sorpresa ang ilang maswerteng mga pamilya na nagdiriwang ng Eid’l Fitri. Inaasahang maraming sorpresa pa ang maihahatid sa susunod pang mga pagdiriwang.

Kaisa ang lokal na pamahalaan ng Isabela de Basilan sa pangunguna ng butihing Mayor na si Sitti Djalia Hataman, ang pagbati ng isang Eid Mubarak sa lahat!